-- Advertisements --

Hindi raw dapat na kagatin na lamang nang basta ng mga boxing fans ang naging pahayag ni retired undefeated boxer Floyd Mayweather Jr. na hindi raw ito interesadong makaharap muli si Sen. Manny Pacquiao.

Floyd Mayweather/ Twitter post

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ng boxing analyst na si Atty. Ed Tolentino, hindi naman daw kasi tumutugma ang binibitawang mga salita ni Mayweather sa kanyang mga ginagawa.

Katwiran ni Tolentino, kung totoong wala na sa boxing si Mayweather ay hindi na raw dapat ito gumagawa pa ng mga eksena at nananahimik na lang.

Posible rin aniyang hinahanapan pa umano ng American champion ng kahinaan si Pacquiao lalo pa’t maganda ang ipinakita ng People’s Champ sa huling laban nito kontra kay Adrien Broner.

Kaya naman palagay ni Tolentino, umiinit pa lamang umano ang mga tagpo na mauuwi sa muling pagtatapat ng dalawang premyadong boksingero sa kasaysayan.

Ang mga nangyayari din aniya ngayon ay mistulang telenovela dahil nilalagay daw sila sa suspense ang mga boxing fans.

“Para sa akin ‘yung mga salita ni Mayweather, huwag po ninyong kakatigan sapagkat mayroon pong inconsistencies partikular sa kanyang mga aksyon,” wika ni Tolentino.

“In fact, under pressure siya ngayon sapagkat noong hinamon niya si Pacquiao noong Setyembre, pumayag si Pacquiao, ngayon siya ang biglang umaatras.”