CAGAYAN DE ORO CITY – Tinuligsa ng grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang pagiging numero uno ng bansa bilang global rice importer na talo pa ang naglalakihang industrial countries katulad ng Estados Unidos at China.
Sa panayam ng Bombo Radyo, dismayadong ibinulalas ni KMP chairperson Danilo Ramos na isang malaking kahihiyan na nagsilbi lang developing at agricultural country ang Pilipinas subalit hawak nito ang panguguna pag-angkat ng bigas.
Ito ang dahilan na dapat magising na ang gobyerno partikular ang pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na hinding-hindi solusyon ang pag-aangkat ng tone-toneladang bigas para mayroong magagamit at makakain ang sambayang Filipino.
Sa halip umano ay pagsikapan at hindi lang hanggang yabang na hands-on ng trabahong agrikultura si Department of Agriculture Secretary Francisco Laurel Jr subalit ipatupad ang totoong repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon.
Magugunitang sa loob ng taong ito ay napaulat na aangkat ang Philippine government ng halos apat na milyong metriko tonelada ng bigas nitong taon.
Napag-alaman hanggang pagmamalaki lang ng DA patungkol sa umano’y 20.6 milyong metriko tonelada ng palay production na nagtala ng 13.3 million metric tons of rice taong 2023 subalit malawakang pag-angkat rin naman sa ibang mga bansa nitong taon.