BAGUIO CITY- Isinusulong ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na muling gawing operational ang Loakan Airport bilang isa sa mga paraan upang patuloy na umunlad ang turismo ng sa Baguio City na kilala bilang City of Pines at Summer Capital of the Philippines.
Ayon sa alkalde, bumubuo ang lokal na pamahalaan ng proposal sa Department of Transportation (DOTr)-Cordillera patungkol sa paggamit muli ng mga pasilidad sa operasyon ng nasabing paliparan.
Sinabi rin niya na posibleng magsimula ang operasyon ng paliparan sa susunod nga taon ngunit ito ay para lamang sa direct Domestic Flights.
Samantala, tiniyak naman ng presidente ng Hotel and Restaurant Association of Baguio (HRAB) na si Anthony De Leon ang 50% occupancy ng mga turistang tutungo sa lungsod mula sa nasabing paliparan.
Nakatakdang pupunta si Mayor Magalong sa Manila sa Huwebes upang makipag-usap kay DOTr Secretary Arthur Tugade ukol sa planong muling gawing operational ang Loakan Airport na makakatulong sa paglago ng lungsod ng Baguio gayundin sa Cordillera Administrative Region.