-- Advertisements --

Kinalampag ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang pamahalaan na lubos nang ipatupad at gamitin ang Rice Competetive Enhancement Fund (RCEF) na ipinapangako ng Rice Tariffication Law.

Ito ay matapos na sabihin kamakailan ng US Department of Agriculture Foreign Agricultural Service (USDA-FAS) sa isang report na nakatakdang maging top rice importer ang Pilipinas sa buong mundo.

Ayon kay Quimbo, hindi na dapat ikagulat pa ang paglobo ng rice imports sa Pilipinas dahil na rin sa kasalukuyang tariffication regime na mayroon ang bansa.

Batay kasi aniya sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang isang kilo ng palay ay maybaverage price na P17 kasa kilo, na halos ka-presyo lang ng imported na bigas na milled at handa nang ibenta sa mga pamilihan.

“When milling and distribution costs are added to the farmgate price of P17, the final retail price of domestically produced rice exceeds the price of imported rice. Hence, the price advantage of imports makes them more commercially viable,” ani Quimbo.

Dahil dito mahalaga ayon sa kongresista na lubos nang gamitin ang RCEF upang matiyak ang modernization ng kapasidad ng mga lokal na magsasaka sa mga makabagong pamamaraan, na kalaunan ay magreresulta sa kanilang mas magandang productivity.

“Magkakaroon lang ang bansa ng tunay na seguridad sa pagkain kung matitiyak natin na palaging may nakahaing pagkain sa mesa ng tahanan ng bawat pamilyang magsasaka. Ang tiyan ng isang consumer ay hindi nangingilala kung saang bansa galing ang bigas na kanyang kinakain. Pero dapat bigyang-halaga ng Department of Agriculture (DA) na maging makabago ang pamamaraan ng mga magsasakang Pinoy at bigyan sila ng sapat na kapital para makalaban sila sa imported rice, ” dagdag pa nito.