KORONADAL CITY- Ikinababahala sa ngayon ng Justice Now Movement ang pagiging alkalde ng anak sa isa sa mga utak sa karumal-dumal na Maguindanao Massacre sa Datu-Unsay sa probinsya ng Maguindanao.
Sa esklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Emily Lopez, presidente ng Justice Now Movement, ipinahayag nito na posibleng mabalewala ang kasong isinampa nila laban sa mga responsable sa nasabing masacre kung unti-unti nang bumabalik sa kapangyarin ang pamilya Ampatuan.
Sa kabila nito, wala din umanong nakikitang problema ang grupo kung si Datu Andal “Datu Aguak” Ampatuan The Fifth ang naging Alkalde ng nasabing bayan lalong lalo na kung wala itong kinalaman sa krimen.
Subalit, hindi rin isinasantabi ng mga pamilya ng massacre ang posibilidad na may kaugnayan ito sa krimen.
Sa ngayon, panawagan ng grupo na mas mapabilis ng mga otoridad ang kaso upang tuluyan na nilang makamit ang hustisya.
Maaalalang biglang umangat sa pwesto at naging alkalde ng Datu Unsay, Maguindanao si “Datu Aguak” na anak naman ni Datu Andal Ampatuan Jr. na pangunahing suspek sa Maguindanao Massacre.
Nanumpa kay Sen. Nancy Binay si Datu Aguak matapos bumaba sa pwesto ang alkalde at bise alkalde ng naturang bayan.