LEGAZPI CITY – Itinuturing ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na naisilbi na ang hustisya sa pinakaunang media worker na pinatay sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay matapos na ma-convict sa magkaibang kaso si dating PO1 Vincent Tacorda na suspek sa pagpatay sa kolumnistang si Larry Que na kilala sa mga expose kaugnay ng nadiskubreng shabu laboratory sa Catanduanes noong Nobyembre 2016.
Noong Disyembre 19, 2016, binaril-patay si Que habang papasok sa insurance firm sa Virac.
Sinasabing una nang umamin si Tacorda sa krimen ngunit binawi ang pahayag habang na-dismiss naman ang kasong inihain ng ka live-in partner ni Que na si Edralyn Pangilinan laban sa dating pulis.
Sinabi ni PTFoMS Exec. Director Usec. Joel Sy-Egco sa Bombo Radyo Legazpi, naging daan umano ang kasong attempted murder kay Sammuel Rojas na tauhan ng Department of Education (DepEd) sa Viga na sinubukan din na patayin ni Tacorda sa pamamagitan ng pambabaril ngunit nakaligtas.
Isiniwalat ni Egco na nagsagawa ng parallel investigation ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pag-aalalang bawiin ni Tacorda ang una nang pag-amin hanggang sa madiin ito sa kaso at masintensiyahan.
Sa kabila nito, patuloy pa rin ang pag-iimbesta sa kaso ni Que para malaman ang responsable at mabigyan ng karampatang parusa.