VIGAN CITY – Ipinaliwanag ng Police Regional Office -1 ang pag-relieve nila sa lahat ng mga nakatalagang PNP personnel sa bayan ng San Vicente, Ilocos Sur na lubos na ikinagulat ni Ilocos Sur Governor Ryan Luis Singson nang tila na-bypass ito dahil hindi naipaalam sa kaniya ang naganap na balasahan.
Ang nasabing pagpapaliwanag ay naganap kahapon sa isinagawang 4th Quarter 2020 Joint Meeting ng Provincial Peace and Order Council- Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council- Provincial Anti-Drug and Abuse Council- Provincial Development Council sa pamumuno ng PPOC chairman na si Singson.
Ayon kay Police Brig. Gen. Randolph Balonglong – Deputy Regional Director for Administration ng PRO-1, sinabi nito na ang pagka-relieve sa puwesto ng lahat ng miyembro ng San Vicente Municipal Police Station ay bahagi ng ipinatutupad na retraining program ni PRO-1 Reg. Dir. Police Brig. Gen. Rodolfo Azurin Jr kasunod ng mandato ng Pambansang Pulisya.
Aniya, hindi naman umano intensyon ng PRO-1 na i-by-pass ang PPOC chairman sa katauhan ng gobernador ngunit nanindigan si Balonglong na ang nasabing hakbang ay bahagi ng pagpapaganda ng PNP sa serbisyong kanilang ibibigay sa mga mamamayan.
Naging usap-usapan sa lalawigan ng Ilocos Sur ang pagka-relieve sa puwesto ng lahat ng personnel ng San Vicente MPS dahil umano sa mga unsolved cases sa nasabing tanggapan na hindi naman nasagot kaagad ng provincial government dahil hindi naipaalam sa tanggapan ng gobernador ang nasabing pangyayari.