Kinumpirma na ni Department of Labor and Employment (DOLE) chief Silvestre Bello III na nagkaroon ng pagkukulang ang TV network sa pagtalima sa safety requirement.
Pahayag ito ng Labor chief, ilang araw matapos ang “40 days” ng pagkamatay ng beteranong aktor na si Eduardo “Eddie” Garcia.
Ayon kay Bello, walang safety officer ang GMA-7 noong kasagsagan ng taping ni Manoy sa Tondo, Maynila, na siya sanang unang reresponde sa pagkaaksidente ng 90-year-old actor kung saan nagtamo ito ng severe cervical fracture.
Base aniya sa findings ng Occupational Safety and Health Center na nanguna sa imbestigasyon, kung mayroon lang sanang kahit isang safety officer ay marahil mabubuhay pa si Eddie.
“There was lack of compliance with the requirement that in every activity there should be a safety officer… They didn’t have one. Otherwise, Eddie Garcia would not have died,” ani Bello.
Una nang inihayag ng kalihim ng DOLE na nanganganib na maharap sa parusa at multa ang nasabing TV network kahit hindi magreklamo ang pamilya ni Manoy kapag napatunayang may pananagutan ang mga ito.
Si Garcia ay mahigit dalawang linggong nag-agaw buhay sa ospital kasunod ng aksidente noong June 8.