BUTUAN CITY – Ikinatuwa ni PLCol. Christian Rafols, station commander ng Surigao City Police Station, ang pagkakahuli sa station manager ng Radio Mindanao Network (RMN) DXBC-Butuan na si Ramil Bangues.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Col. Rafols na dahil dito’y mabibigyan na ng pagkakataon si Bangues upang maipaliwanag ang kanyang panig sa korte sa kanyang isinampang paglabag sa cyber crime law.
Saysay ng opisyal, isinampa niya ang kaso nitong 2019 noong siya pa ang information officer ng Police Regional Office (PRO) 13.
Ito’y nag-ugat nang mahuli ng mga otoridad ang isang doktor sa anti-illegal drug operation kungsaan ito ang kanyang doktor sa kanyang sakit na diabetes at mataas na blood pressure.
Ang kanya lang inalmahan dahil nang maka-livestream ang akusado ay inihayag nitong ang nahuling doktor ay marami umano ang kostumer at kasama na siya dito.
Kanya itong inireklamo sa Cyber Crime Unit ng PRO-13 lalo na’t hindi pasyente ang ginamit nitong termino sa kanya kundi kostumer umano ng doktor na ang ibig sabihin ay kostumer ng ilegal na druga na nagbigay ng kahihiyan hindi lang sa kanya kundi pati na sa kanyang pamilya at sa hanay ng PRO-13.