-- Advertisements --

Hindi naitago ng coaching staff ng Gilas Pilipinas ang kanilang pagkadismaya sa naging pagkatalo nila sa kamay ng Congo sa muli nilang paghaharap sa training camp sa Spain.

Bago ito, nabigo ang Pinoy cagers na payukuin uli ang Congo, 82-71, sa opening game ng Torneo de Malaga.

Ayon kay Gilas deputy coach Ryan Gregorio, pagod ang isa sa kanilang mga isyu lalo pa’t siyam na players lamang ang kanilang isinabak sa buong laro.

Hindi kasi pinahintulutang makapaglaro si team captain Gabe Norwood dahil sa injury, at si Kiefer Ravena na pinagsisilbihan pa ang Fiba ban dahil sa paggamit ng banned substance.

Maliban dito, inihayag din ni Gregorio na maliban sa hirap silang pumukol ng 3-pointers at makaporma sa offensive rebounds, naging sakit din daw nila sa ulo ang nagawa nilang turnovers.

Sa panig naman ni head coach Yeng Guiao, dadalhin ng Gilas ang mga aral na natutunan nito sa laban sa darating na World Cup.

Sunod na haharapin ng Pilipinas ang matatalo naman sa match-up ng Ivory Coast at ng powerhouse team na Spain.