CAUAYAN CITY – Naniniwala ang pamunuan ng 5th Infantry Division (ID) Philippine Army sa Gamu, Isabela, na malaking kawalan sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ang pagkaaresto sa tatlong matataas nilang pinuno sa Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Major Noriel Tayaban, chief ng Division Public Affairs Office ng 5th ID, na ang mga naaresto ay nakilalang sina Violeta Ricardo alyas Ka Issa, deputy secretary ng Northern Front Committee at pinuno rin ng Regional Finance ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley; Cristina Miguel Garcia alyas Ka Senyang, staff Regional Operation Department ng Kilusang Guerilla Cagayan Valley; at Delailah Padilla alyas ka Domsay, Education Staff Squad Dos ng Northern Front.
Si Ka Issa ay may kinakaharap na dalawang kasong murder, isang frustrated murder at rebelyon, at may patong sa ulo na P2.4 million.
Si Ka Senyang ay mayroon ding kinakaharap na tatlong kaso ng murder, isang kaso ng frustrated murder, isang qualified assault upon a person or agent in authority with murder.
Si Ka Domsay naman ay nahaharap sa kasong murder at robbery with murder, at may patong sa ulo na P700,000.
Matapos ang isang buwan na pagmamanman ng pinagsanib na puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philipine National Police (PNP) ay naaresto sila sa magkahiwalay na checkpoint na Naddungan Gattaran, Cagayan at Leonarda, Tuguegarao City.
Ayon kay Major Tayaban, dahil sa pagkakahuli ng mga lider ng NPA ay tiyak na bababa ang morale ng mga ito at inaasahan na maraming susuko sa mga susunod na araw.
Sakali aniyang magsagawa ng pagganti ang mga rebelde, nakahanda naman ang PNP at AFP.