KORONADAL CITY – Hindi pa rin nakakaabot ang relief goods sa mga pamilyang apektado ng engkwentro sa pagitan ng mga sundalo at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF)-Dawlah Islamiyah group sa tatlong barangay sa South Upi, Maguindanao.
Ito ang inihayag ni Manong Gino, residente ng Barangay Itao sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Gino, may mga batang nagkakasakit na rin sa evacuation center dahil sa kulang sa pagkain at gamot simula pa noong Disyembre 31.
Siniguro naman ni PLt. Col. Anhouvic Atillano na may augmentation force na ng mga sundalo at pulisya sa area upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente.
Una rito, nagsimula ang engkwentro sa pagitan ng mga sundalo at BIFF-Dawlah Islamiyah group sa lugar dahil sa ginawang pangha-harass ng armadong grupo, panununog sa mga kabahayan doon at pananambang naman kahapon sa convoy ng alkalde na nagresulta sa pagkamatay ng isang escort at pagkasugat ng apat na iba pa.