VIGAN CITY – Posible umanong sa mga susunod na misa sa isang simbahan sa Hong Kong ay ipagbabawal na ang pagkain ng ostiya dahil sa banta ng novel coronavirus.
Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo Vigan ni Bombo International Correspondent Jonalyn Biscarra- Venus na taga- Cabaroan, Bantay, Ilocos Sur ngunit nagta-trabaho bilang Overseas Filipino Worker (OFW) sa Hong Kong.
Ayon pa kay Venus, nito lamang nakaraan nang magsimba ito sa isang simbahan na malapit sa pinapasukan nito, napansin niyang wala nang naghahawakan ng kamay tuwing sasapit ang isang bahagi ng misa na kailangang maghawakan ng kamay.
Idinagdag pa nito na hindi na rin umano pumapayag ang ilang mga bus companies na magsakay ng mga taong hindi nakasuot ng face masks bilang bahagi na rin ng kanilang pag-iingat laban sa NCov.
Sa ngayon, maayos pa naman umano ang kalagayan ng mga kagaya niyang OFW sa Hong Kong ngunit nananatili pa rin silang naka-alerto at doble-doble na ang kanilang ginagawang pag-iingat.