-- Advertisements --

Problema sa pagkain ang daing ngayon ng coaches ng participating countries sa Women’s Football ng 2019 SEA Games.

Sa isang press conference nitong hapon, umapela ang mismong head coach ng Team Philippines na si Let Dimzon dahil sa mababang kalidad umano ng pagkain at tubig na ibinibigay sa mga atleta.

Hindi umano maintindihan ng coach kung paano ang sistema ng preparasyon ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) dahil kanin, itlog at kikiam lang ang inihain sa mga manlalaro nitong araw.

Maituturing daw kasi na kulang sa sustansya ang mga pagkain, na kailangan ng football players sa kanilang laban na na ngangailangan ng pisikal na lakas.

“I’m not sure kung paano ang arrangement ng PHISGOC, but the quality and quantity of food is not enough,” ani Dimzon.

“Supposedly, this is an international competition, it should be international course. Pero I think, baka ‘yung budget na binibigay ng PHISGOC is not enough to cover ‘yung ganoong klase ng food.”

“Tayo ang host country, medyo disorganized. It feels bad for us.”

Una ng umalma ang isang player ng Women’s Football ng Pilipinas na si Hali Long dahil sa hindi umano handang accommodation ng hotels para sa mga atleta.

Kasamang humarap ni Dimzon sa presscon ang coaches ng Malaysia, Thailand, Indonesia, Vietnam at Myanmar.

Kapwa nagpahayag din ang mga ito ng pagkadismaya sa tila hindi organisadong paghahanda.

Bukas sasalang ang Pilipinas sa unang laban nito sa Women’s Football kung saan makakatapat ang koponan ng Myanmar.

Una ng humingi ng paumanhin si PHISGOC chairman Alan Peter Cayetano sa mga delay at last-minute issues sa paghahanda ng hosting ng bansa SEA Games 2019.