BACOLOD CITY – Buong araw na hindi pinayagan ng mga pulis na makapasok sa Ceres South Terminal ang sino mang magdadala ng pagkain ng appointed president ng Yanson Group of Bus Companies na si Roy Yanson.
Madaling-araw pa ng Miyerkules, pumunta na si terminal office si Roy matapos nitong malaman na pumasok dito ang AGNSA Security Agency upang itake-over ang pagbabantay.
Ngunit kasabay ng lock-down sa terminal, iniutos ni Bacolod City Police Office director Police Col. Henry Biñas na hindi papayagan ang sino mang papasok sa terminal upang maiwasan ang karagdagang tensyon at lalabas lamang ang Yanson siblings kung makaramdam na ng gutom upang kumain.
Ngunit hanggang hapon, hindi lumabas sa terminal office sina Roy kaya’t hindi sila nakakain.
Maliban dito, nananatiling walang power supply sa South Terminal makaraang maputol ang kuryente dahil hindi pinayagan ng mga pulis na makapasok ang mga electrician.
Samantala, malaking perwisyo ang idinulot ng trip suspension sa libu-libong mga pasahero papuntang southern Negros Occidental at Negros Oriental.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Ian na uuwi na sana sa Pontevedra, Negros Occidental, kaunti lamang ang ibang masasakyan papuntang southern Negros.
Dahil dito, napilitan ang mga pasahero na sumakay sa van at double-tire buses para makauwi.
Ngunit nahirapan naman ang mga pasahero na papuntang Bacolod dahil kaunti ang mga bus na bumabiyahe.