Ipinagbabawal pa rin ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang paghuli at pagkain ng isda sa lalawigan ng Cavite.
Ayon sa ahensya, hindi pa napapanahon na alisin ang fishing ban sa naturang lalawigan at makabalik ng mga mangingisda sa panghuhuli nito.
Ginawa ng ahensya ang pahayag sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Environment ni Senadora Cynthia Villar.
Dito ay iniulat ni Atty. Angel Encarnacion ng BFAR na batay sa kanilang pinakahuling sampling na isinagawa, nananatili pa rin ang presensya ng langis sa katubigan nito.
Wala rin aniya silang akmang datos kung kelan maaaring alisin ang fishing ban sa lalawigan .
Mangyayari lamang aniya ito kung lalabas sa kanilang isinasagawang test na wala nang langis na nakahalo sa tubig dagat sa naturang lugar.
Kung maaalala, lumubog ang MT Terranova sa Limay Bataan sa kasagsagan ng bagyong Carina at Habagat dahilan para magdulot ito ng malawakang oil spill na umabot na rin sa mga karatig na lalawigan kagaya ng Cavite.
Pinaniniwalaang aabot sa 1,400 tons ng langis ang nilalaman ng nasabing lumubog na barko.