-- Advertisements --

Sinabi ni Bishop Gerardo Alminaza ng Diocese of San Carlos sa Negros Occidental na ang pagkaka-aresto kay dating pangulong Rodrigo Duterte ay isa aniyang ginhawa para sa libu-libong pamilya na nawalan ng mga mahal sa buhay dahil sa kontrobersyal na ‘war on drugs’ na sinimulan umano sa Davao at kumalat sa buong bansa.

Ayon pa sa Obispo ang pagkaka-aresto daw kay Duterte ay magbubukas ng daan para sa hustisya para sa iba pang mga may sala sa ‘war on drugs.’

Inilarawan niya rin ang pangyayaring ito bilang isang “maliwanag na pag-asa” mula sa panahong isinasagawa ang mga iligal na pag-patay ng administrasyong Duterte na nagdulot aniya ng takot sa bansa.

‘This development brings a measure of hope and solace to the thousands of families who lost their loved ones during the Duterte regime’s war-on-drugs and war-on-rights, a period marked by impunity and reward-driven killings,’ sabi ni Alminaza.

Ipinaalala rin ni Alminaza ang patuloy na pagtawag ng Diocese of San Carlos na wakasan na ang mga pagpatay, at binanggit niyang siya mismo ay naging saksi sa nakapanghihinang epekto ng karahasan.

Inalala din niya ang kanyang mga panalangin sa burol ni Skyler Bladen Abatayo, isang apat na taong gulang na batang lalaki na napatay sa ligaw na bala mula sa isang drug raid sa Cebu City.

Nalulungkot din aniya ito para sa mga taong patuloy na sinusuportahan ang marahas na kampanya ng ‘war on drugs’, kung saan pinapalaganap ang mga pagpatay bilang solusyon sa problema ng droga.

‘It pains me to acknowledge that some among us continue to support former president Duterte’s campaign of violence, justifying the killings as a solution to the nation’s drug problem,’ dagdag ni Alminaza.

Samantala hinimok ni Alminaza ang publiko na magsagawa ng mga pagsusuri sa kanilang mga pinaniniwalaan, at ipahayag ang pangako sa pagpapahalaga sa buhay at pagtutol ng simbahang Katolika sa anumang uri ng maling solusyon sa mga problemang kinahaharap ng lipunan.

Dagdag pa niya na mahalaga ang papel ng Simbahan para maging tinig laban umano sa mga hindi makatarungang gawain.