Naniniwala si Presidential Adviser for Poverty Alleviation Sec. Larry Gadon na naiwasan sana ni dating Pang. Rodrigo Duterte ang tuluyang pagkaka-aresto kung napanatili lamang ang maayos na relasyon kay Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang panayam, iginiit ni Gadon na maaari sanang hinarap ni Duterte ang kaniyang mga kaso sa mga lokal na korte sa Pilipinas at dito na isasagawa ang mga serye ng paglilitis.
Kung may ilalabas mang warrant of arrest laban sa dating pangulo, maaari sana aniyang hihiling din ang dating pangulo ng house arrest o hospital arrest at manatili lang siya sa Pilipinas.
Gayonpaman, iginiit ng kalihim na hindi naging ‘mabuti’ ang dating pangulo sa kasalukuyang administrasyon at halos araw-araw niyang binabanatan ang kasalukuyang pangulo.
Ayon sa kalihim, halos araw-araw na lamang umanong tinatawag ang dating pangulo ng ‘bangag’ at ‘adik’ hanggang sa maging ang mga supporter ng dating pangulo ay sumasabay na rin sa mga serye ng batikos sa kasalukuyang administrasyon.
Ibinunyag din ng kalihim na inirekomenda niya dati kay Pang. Marcos na kasuhan na lamang si Duterte ng ibang kaso tulad ng murder upang sa local court na lamang siya lilitisin.
Sa ganitong paraan aniya, ang mga lokal na korte dito sa Pilipinas na ang makakakuha ng hurisdiksyon sa dating pangulo at hindi na kinailangang pumasok pa ang International Criminal Court.
Gayonpaman, tuloy-tuloy aniya ang naging batikos ng kampo ng dating pangulo at lalo lamang lumala ang kaliwa’t-kanang banat nila kay Pang. Marcos.
Una nang nanindigan ang administrasyong Marcos na ang pakikipagtulungan nito sa International Criminal Police (Interpol) Organization sa pag-aresto sa dating pangulo ay bahagi ng commitment nito sa naturang organisasyon bilang isang member-state.