-- Advertisements --

Laman ng balita sa international community ang tuluyang pagkaka-aresto ni dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kasong crimes against humanity.

Maraming mga malalaking international news organization ang nagdala sa naturang balita, tulad ng mga Europe-based at US-based media organizations.

Muli ring binalikan ng mga ito ang mga pangyayari sa Pilipinas habang namamahala ang dating pangulo tulad ng malawakang drug war, umano’y mga kaso ng extrajudicial killings na resulta ng naturang kampaniya, hindi pa nareresolbang murder cases, atbpa.

Maliban dito, naungkat din ang ilang mga naunang pahayag ng dating pangulo tulad ng panghahamon sa International Criminal Court sa ilang mga pagkakataon.

Sa Netherlands, laman din ng balita ng mga news organization doon ang ginawang pagtitipon ng mga Pilipino sa harapan ng ICC compound, ilang oras bago dumating ang eroplanong sinasakyan ng dating pangulo.

Binalikan din ng mga ito ang naging relasyon ng Pilipinas at ibang mga bansa noong panahon ni Pang. Duterte hanggang sa makilala siyang ‘The Punisher’ sa international community.

Si dating PRD ang kauna-unahang pangulo mula Asia na sasailalim sa paglilitis ng ICC.