Naniniwala ang Palasyo ng Malacañang na malaking tulong ang makukuha ng Pilipinas lalo na sa ekonomiya ng bansa at maging ang mga Overseas Filipino Workers matapos matanggal ang Pilipinas sa grey list ng Financial Action Task Force o FATF.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, ang hakbang na ito ay makakahikayat ng mas maraming dayuhang mamumuhunan, na lilikha ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino at magpapalakas sa ekonomiya ng bansa.
Ipinunto ni Bersamin na matagal na panahong naapektuhan ang pagpasok ng mga foreign investor dahil sa imahe ng Pilipinas bilang isang “dirty money haven.”
Binigyang-diin niya na ang tagumpay na ito ay resulta ng mga reporma ng administrasyong Marcos upang labanan ang money laundering at terorism financier sa bansa.
Samantala, makikinabang din daw ang mga OFW dito dahil mas magiging mabilis at mas mura na ang kanilang pagpapadala ng pera sa Pilipinas.
Tiniyak naman ng Palasyo na ipagpapatuloy ng pamahalaan ang pagsunod sa mga pandaigdigang regulasyon upang mapanatili ang naturang tagumpay.
Nabatid na si Executive Secretary Lucas Bersamin ang kasalukuyang chairman ng Anti-Money Laundering Council o AMLC.