Nananatiling valid at hindi isang uri ng state of kidnapping o maski ng isang illegal detention ang naging pag aresto sa dating Pangulo Rodrigo Duterte noong Martes, Marso 11 ayon yan sa National Bureau of Investigation (NBI).
Sa naging pagtatanong ng Bombo Radyo kay NBI Dir. Jaime Santiago kung nananatiling valid ang naging proseso ng kapulisan sa naging pag aresto sa dating pangulo, sagot ni Santiago, basta sigurado na mayroong warrant of arrest kahit hindi man ito dala ng mismong maghahain nito ay pwede pa rin arestuhin ang isang personalidad.
Aniya, bilang isang police officer, maaari naman aniyang damputin ang isang personalidad at sa proper forum o sa mismong opisina na ihain ang naturang warrant of arrest.
Matatandaan naman na iginiit ng kampo ng dating pangulo na wala umanong maayos na dokumento na inihain kay Duterte ng arestuhin ito ng mga kapulisan sa Ninoy Aquino International Airport.
Ani pa ng legal counsel ni Duterte, illegal detention ang ginawa sa dating pangulo na siya naman ding ipinaliwanag ni Santiago.
Paliwanag nito, maaari silang magdala ng kahit anong dokumento na sumusuporta bilang warrant of arrest sa mismong pagaresto sa isang personalidad at tsaka na lamang kwestyunin sa Korte Suprema.
Dagdag pa ng direktor, wala aniya siyang nakikitang iregularidad sa naging pag aresto sa dating pangulo dahil mayroon namang warrant of arrest at alam aniya ng kapulisan na mayroong isisilbing warrant sa dating pangulo.
Samantala nauna na dito ay sinabi na din ni Santiago na nananatiling may jurisdiction ang International Criminal Court na imbestigahan ang mga naging kaso ng extra-judicial killings sa naging war on drugs ng administrasyong Duterte dahil hindi pa naman aniya kumakalas sa ICC ang Pilipinas sa mga panahon na iyon.
Ngunit giit din ni Santiago, hindi na mahahabol pa ng mga korte ng Pilipinas ang kasong ito ng dating Pangulo.