-- Advertisements --

Itinuturing ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na isang significant o mahalagang development sa kooperasyong panseguridad ng Pilipinas at Malaysia laban sa terrorismo, ang pagkakaaresto sa dalawang Pilipinong terrorista sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Batay sa report, nadakip ang dalawang Pinoy kasama ang anim na iba pang Malaysian nationals.

Ayon naman kay AFP Public Affairs Office Chief Col. Edgard Arevalo, ang grupo ay nahuli noong August 30 ng Royal Malaysian Police sa Taman Desa Baiduri, Cheras, Malaysia, dahil sa kanilang involvement sa mga terrorist activities sa naturang bansa.

Sinabi ni Arevalo na ang isa sa mga Pilipinong inaresto ay si Hajar Abdul Mubin na kilala rin bilang Mheraiz.

Si Mheraiz ay tinukoy bilang kanang kamay ni Abu Sayyaf Group sub-leader Furuji Indama na nakabase sa Basilan.

Ang isa pang nahuling Pinoy ay kinilalang si Abraham Bin Ebong na kasalukuyan pang inaalam kung saang terroristang organisayon konektado.

Ang grupo ay kasalukuyang naka-ditine sa isang “undisclosed facility” sa Kuala Lumpur at nahaharap sa mga kaso ng paglabag sa seguridad sa Malaysia.