Ipinag-utos na ni PNP chief Gen. Archie Gamboa ang imbestigasyon sa pagkakasangkot umano ng 357 pulis sa iligal na droga.
Ayon kay Gamboa, nasa drug watchlist umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing mga pulis, kung saan kasama rito ang isang opisyal na may ranggong brigadier general.
Hindi naman nagbigay ng karagdagang detalye ang hepe ng pulisya upang mapangalagaan daw ang kanilang pagkakakilanlan.
Nakipag-usap na rin aniya si Gamboa sa karamihan sa naturang mga pulis na nag-report sa Camp Crame nitong Biyernes.
Magsisimula naman daw sa Lunes ang adjudication at validation process, at umaasa naman ang opisyal na magagawa nilang matapos ito sa loob ng isang buwan.
Sakali namang mapatunayan na walang koneksyon sa illegal drug trade ang nabanggit na mga pulis, agad daw silang tatanggalin sa drug watchlist.
Samantala, posible naman daw magsagawa ng case build-up na maaaring mauwi sa kasong administratibo at kriminal ang ihahain sa mga mapapatunayang dawit sa transaksyon ng ipinagbabawal na gamot.
Isusumite raw ng National Adjudication Board ang pinal na listahan kay Gamboa, at ieendorso ito sa Pangulo kalaunan.
Binigyang-diin ni Gamboa na ito ay bahagi lamang ng internal cleansing program na isa sa kanyang mga pangako nang umupo ito bilang pinuno ng pulisya.