-- Advertisements --
IMAGE | Screenshot from the controversial “Bikoy” video/Youtube

Pumalag si Vice Pres. Leni Robredo matapos madawit ang kanyang pangalan sa kaso ng viral video ng isang alyas Bikoy.

Nilinaw ni Atty. Barry Gutierrez, abogado ng bise presidente, na walang Rodel Jayme na empleyado ang Office of the Vice President.

“Para sa kalinawan ng lahat: walang ‘Rodel Jayme’ na nagtatrabaho para sa Office of the President o kay Vice President Robredo,” ani Gutierrez.

Si Jayme ang pinaghihinalaang uploader ng Bikoy video na nagdadawit sa pamilya ni Duterte sa kalakaran ng illegal drugs.

Ito’y matapos mabatid ng NBI na naka-link sa website nito na Metro Balita ang naturang video.

Iginiit ng tagapagsalita ng pangalawang pangulo na paninira lang ang pagdawit kay Robredo.

“Malinaw na paninira na naman ito. Ayon sa kuwentong ipinipilit ibenta kasabay ng photo, si VP Leni daw ang nasa likod ng pagkilos nitong si Jayme.”

Kasunod ng paglitaw ni Jayme sa National Bureau of Investigation ay kumalat sa social media ang larawan nito kasama si Robredo.

“Kung totoo man na siya nga ang nasa photo kasama ng Bise Presidente, siya ay isa sa libu-libong naging supporter noong kampanya ng 2016 na bumibisita sa opisina at nagpakuha ng picture kasama si Vice President Leni.”

“Wala itong napapatunayan kundi madaling maghanap ng photo sa Facebook, at gumawa ng anumang kuwento tungkol dito, gaya ng ilang ulit nang ginawa sa mga miyembro ng oposisyon, kasama na si Vice President,” dagdag ni Gutierrez.

Ayon sa abogado, kataka-taka ang tugon ng pamahalaan sa issue dahil imbes na siyasatin ang mga idinadawit ay mas binibigyang pansin pa nito ang mga tao sa likod ng kontrobersya.

“Nakapagtataka lamang na imbes na tingnan muna kung may katotohanan ang mga malalim na alegasyon sa video—halimbawa, sa simpleng pag-verify ng mga binanggit na bank accounts—mas binigyan pa ng pansin ang pag-imbestiga sa gumawa at naglabas nito.”