Nangako si Senador Alan Peter Cayetano na iimbestigahan ang nangyaring pagkakadena sa fire stations ng City of Taguig ng Bureau of Fire Protection (BFP) at sinabing hindi siya titigil magbukas man ang mga ito.
Ikinadismaya ni Cayetano ang pangyayari at sinabing ipapatawag ang mga opisyal ng BFP upang magbigay ng full report sa pamamagitan ng isang Senate hearing.
Sinabi ng Senador na kanyang nalaman ang pagkakadena sa fire stations noong araw ng Bagong Taon nang bumisita sila ni City of Taguig Mayor Lani Cayetano sa police stations ng mga Barangay ng West Rembo at Comembo.
Ito ay sa kabila ng pangako ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pamamagitan ng Supreme Court resolution noong Disyembre na ang mga EMBO fire stations na dating bahagi ng Makati ay ililipat na sa hurisdiksyon ng Taguig pagsapit ng January 1, 2024.
Dismayado ring sinabi ni Cayetano na nalaman niya lamang na isinara na ang mga ito ng Makati bago pa man matapos ang 2023 nang walang pasabi sa Taguig.
Sinabi ng Mambabatas na nalaman niya na ang pagkakadena sa mga ito ay utos ni City of Makati Mayor Abby Binay, na nauna nang nangakong gagalangin ang desisyon ng Korte Suprema na ang 10 sampung Barangay ng EMBO ay pagmamay-ari ng Taguig.
Ani Cayetano, agad niyang kinausap ang Director ng Bureau of Fire Protection ngunit hindi ito nakipagtulungan sa senador.
Gayong nagpasalamat si Cayetano kay Abalos sa maagap nitong pagresolba sa pangyayari, inihayag niya na iimbestigahan pa rin nito ang BFP.