BUTUAN CITY – Nahuli na ng pinagsanib na pwersa ng Surigao City Police Station, Criminal Investigation and Detection Group-Surigao del Norte Provincial Office at Surigao del Norte Police Provincial Office ang lahat ng mga opisyal at mga miyembro ng Federal Tribal Government of the Philippines o FTGP.
Ito’y matapos mai-serve kaninang alas-sais ng umaga ang arrest warrant na inisyu ng Municipal Trial Court in Cities o MTCC para sa kasong usurpation of authority sa ilalim ng Article 177 ng Revised Penal Code of the Philippines.
Ayon kay Surigao City Police Station chief PLtCol. Mariano Lukban, wala ng tao ang inu-ukupahang compound nina Datu Adlaw o Jorgeto Santisas sa totoong buhay, Bae Lourdes Latraca Infante at kanilang mga kasamahan dahil nasa kostudiya na sila ng pulisya.
Ayon kay Lukban, ang naturang kaso ay may pyansang aabot ng ₱30,000.00 habang ang iba pang tatlong mga kasong naresolba na ng City Prosecutor’s Office na may probable cause, ay inaasahang mailalabas na rin ang warrants of arrest.