-- Advertisements --

Kumakalat sa social media ang naratibong 43 lamang, at hindi 30,000, na mga kaso ng pagpatay kaugnay ng ‘war on drugs’ ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang iniimbestigahan ngayon ng International Criminal Court (ICC) para sa kasong crimes against humanity.

Matatandaan na hinamon din ni Vice President Sara Duterte ang prosekusyon na magbigay ng ebidensiya tungkol sa 30,000 kaso ng mga pagpatay sa ilalim ng madugong kampanya ng kanyang ama.

Ayon sa gobyerno, higit 6,000 ang opisyal na bilang ng mga namatay, habang tinatayang 30,000 ang pagtataya ng human rights groups.

Bagamat 43 na mga kaso ang tinitignan ng ICC, ayon sa mga abugado, hindi basehan ang 30,000 na dami ng mga namatay. Anila, ang importante ay mapakita ang mga “emblematic examples” ng mga pagpatay upang patunayan ang polisiya ng extrajudicial killings (EJK) sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Paliwanag ng mga abugado na ayon sa ICC, hindi kailangang itala ang lahat ng pangalan ng biktima, kundi kailangan umano ay ipakita ang mga patayan ay bahagi ng isang sistematiko at malawakang pag-atake sa mga sibilyan.

Ayon pa sa ICC’s Elements of Crimes, tatlong elemento ang kailangan patunayan: una, ang pagkamatay ng mga tao, Pangalawa, ang pagkakaroon ng malawakang atake, at Pangatlo, ang kaalaman ng mga gumawa ng pagpatay na bahagi sila ng sistematikong atake.

Mahalaga din umano ang ebidensiya ng memorandum circular 16-2016 ng Philippine National Police, na gumagamit ng terminong “neutralization,” isang euphemism para sa extrajudicial killings, upang patunayan ang pagkakaroon ng polisiya ng EJK.