Suportado ng Department of Migrant Workers ang pagpapalalim sa ugnayan ng Pilipinas sa bansang Hungary pagdating sa pangangalaga ng mga Pilipinong manggagawa roon.
Mas papalakasin kasi umano ng naturang kagawaran ang relasyon at koneksyon ng bansa upang mapanatili ang magandang nasimulan mula noong mga nakaraang taon.
Ayon sa kasalukuyang kalihim ng Department of Migrant Workers na si Secretary Hans Leo Cacdac, mahalaga ang pagkakaibigang ito na layuning makapagbigay ng oportunidad hindi lamang sa mga Pilipino bagkus malaking tulong na rin sa bansang Hungary.
Kung saan higit siyam na libong Overseas Filipino Workers (OFW) ang patuloy na nagtatrabaho roon na ipinapamalas ang angking talento at skills sa paggawa na siya namang nakapag-aambag sa ekonomiya ng bansa.
‘Filipino workers and Hungarian employers are harmonious relations and this is now better shown in the last two, three years where nine to ten thousand Filipino workers have gone to Hungary and have shown their skills, shown their worth,’ ani Secretary Hans Leo Cacdac ng Department of Migrant Workers.
Dahil dito, masayang ibinahagi ni Secretary Hans Leo Cacdac ang paglunsad sa pagdiriwang ng friendship week sa pagitan ng dalawang bansa na masayang sinimulan ngayong araw.
Kaya naman maging ang kinatawan ng Hungary sa Pilipinas na si Ambassador Titanilla Toth ay inihayag ang kanyang mataas na tiwala sa bansa na magagampanan nitong maproteksyunan ng maayos ang mga manggagawang Pilipino roon.
Aniya, patuloy na magiging matibay ang pagkakaibigan ng dalawang bansa sapagkat parehong may mahigpit na restriksyon lalo na sa pagsugpo ng mga illegal recruitments.