BUTUAN CITY – Kasalukuyang naka-red alert ang buong Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Caraga matapos namatay ang apat na mga Persons Deprived with Liberty (PDL) sa nangyaring barilan kaninang umaga nang magtangkang tumakas ang 11 na preso sa Liangga District Jail sa Surigao del Sur.
Kinilala ang mga nagtangkang tumakas na sina Suade Tejero, Daniel Atigan, Crisanto Eladia, April Jun Riasol, Rencho Laviña, Ariel Ronquillo, Maxon Lacia, Rommel Fernandez, Joebert Perez, Ronie Laurente, Roberto Lasta at Ariel Ronquillo.
Ayon sa BJMP-Caraga, nagkaputukan nang mang-agaw ng baril ang mga nagtangkang tumakas na preso, kung saan hinostage pa ng mga ito sina JO1 Grant Trimidal, JO1 / T Rud Emmanuel Rebuyon at JO1 / T Clein Domanglas.
Una rito, nagbigay umano ng warning shot ang mga duty personnel sa oras na iyon ngunit patuloy pa rin na nagmamadali ang mga bilanggo sa kanilang pagtakas.
Ito ang siyang dahilan kaya pinagbabaril ni Menoza ang mga bilanggo.
Apat sa mga bilanggo ang nasawi at isa naman ang sugatan matapos din na masaksak gamit ang isang improvised bladed weapon.
Agad namang rumesponde ang iba pang mga tauhan ng BJMP na nauwi sa isang palitan ng putok.
Nabatid na ang napatay na bilanggo ay kasapi ng komunistang teroristang grupo ng New Peoples Army (NPA).
Ito ang siyang nagkumbinse raw sa iba pang mga bilanggo na tumakas sa kulungan.