-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Tukoy na ang pagkakilanlan ng mga nasawi sa pananambang dakong alas-6:35 ng umaga ng Biyernes sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang mga napatay na sina Sahabudia Kato Latip, 42; Nor Ibrahim Baraguir; Muhalidin Esmail Amolab, 28, mga residente ng Sultan Kudarat, Maguindanao; at si Salahudin Usman,taga-Brgy. Simsiman, Pigcawayan, North Cotabato.

Matatandaan na lulan ang mga biktima sa isang kulay pula na Toyota Innova na may plakang MAF-2108 patungong Cotabato City.

Ngunit pagsapit nila sa Barangay Tubon sa Pigcawayan, dinikitan sila ng isang SUV at pinaputukan gamit ang M16 Armalite rifle.

Nahulog ang kotse sa gilid ng national highway at tumakbo ang isa sa mga biktima patungo sa palayan ngunit sinundan ito ng mga salarin at pinagbabaril.

Dead on the spot ang mga biktima nang magtamo sila ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan.

Sinabi ng mga sibilyan na armado ng mga matataas na uri ng armas ang mga suspek at pawang naka-bonnet na mabilis na tumakas patungo sa direksyon ng Maguindanao.

Narekober sa loob ng sasakyan ang isang .45-caliber na pistola, mga bala, dalawang magazine at 38 empty shells ng M16 armalite rifles na ginamit ng mga suspek.

Personal na alitan o rido ang natatanaw ng mga otoridad na motibo sa pananambang sa mga biktima na patuloy nilang iniimbestigahan.