Inilabas na ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng driver ng Tesla Cybertruck na sumabog sa labas ng Trump International Hotel sa Las Vegas.
Kinilala ito na si Matthew Alan Livelsberger na isang active-duty US Army Green Beret.
Ang suspek ay isang Army Special Forces operations master sergeant na isang senior enlisted rank.
Naging active duty siya sa Germany sa 10th Special Forces Group pero ito ay naka-on-leave ng mangyari ang insidente.
Sinabi ng US Army na nasawi sa pagsabog ng truck si Livelsberger subalit hindi na sila nagbigay pa ng ibang impormasyon.
Nakikipagtulungan na ang US Army sa mga otoridad na nagsasagawa ng imbestigasyon sa insidente.
Magugunitang sugatan din ang pitong katao dahil sa pagsabog kung saan agad naman na na-detonate ng mga otoridad ang mga fireworks, gas tanks at camping fuels nakalagay sa truck.
Patuloy na inaalam ng mga otoridad kung ang insidente ba ay may kinalaman sa terorismo.