-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Inaalam pa ng Kalinga Provincial Office ang pagkakakilanlan ng limang indibidual na namatay matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Barangay Malalao Tabuk City, Kalinga kahapon ng umaga.

Ayon kay Kalinga PPO Provincial Director Pol. Col. Peter Tagtag, may pagkakilanlan na ang tatlo sa mga suspek dahil sa mga ID na nakuha sa kanila pero kailangan itong maberipika kung ito ang tunay nilang mga pangalan at address.

Maliban dito, nagbabakasakali ang mga ito na makakuha sila ng rekord mula sa mga nakumpiskang baril ng mga suspek.

Base sa impormasyon na natanggap ng mga otoridad, galing umano ng Tinglayan, Kalinga ang grupo para kumuha ng mga iligal na droga.

Habang nagsasagawa naman ng checkpoint ang mga pulis sa national highway na sakop ng Barangay Bulo sa nasabi ring lungsod ay may isang kotse na biglang humarurot, iniwasan ang checkpoint, at pinaputukan umano ang mga pulis.

Hinabol ito ng mga pulis at sa pag-iwas ng grupo ay dumiretso ang mga ito sa kanal sa Barangay Malalao at dito na na-korner ang mga suspek at nangyari ang putukan sa magkabilang-panig.

Dead on the spot ang dalawang suspek habang ang tatlo ay isinugod sa ospital pero nasawi rin habang ginagamot.

Narekober naman sa mga suspek ang apat na caliber .45 na baril, at 23 bricks ng dried marijuana na may kabuuang halaga na P2.7 million.

Hindi naman kinokonsidera ang nasabing insidente na election related case at ibinilang itong isolated case.

kaugnay rito, napag alaman pa na ang mga suspek ay hinihinalang miyembro ng notorious group ng mga carnapper at holdaper na ang operasyon ay sa Region 2, 3, at 4.