CAUAYAN CITY – Inaalam na ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng may-ari ng isang motorsiklo na ilang linggo ng inabandona sa gilid ng kalsada sa District 2, Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Richard Redoble, kasapi ng Public Order and Safety Division (POSD) na nakatalaga sa palengke, sinabi niyang iniwan ang motorsiklo sa ilalim ng foot bridge dalawang linggo na ang nakalipas.
Nagtanong-tanong na sila sa mga negosyante na malapit sa lugar ngunit hindi nila napansin ang may-ari ng motorsiklo o kung may tumitingin dito.
Hinala nila na posibleng ginamit ang sasakyan sa kriminalidad at iniwan lamang ito doon upang guluhin ang posibleng imbestigasyon.
Hindi naman umano iiwanan doon ang motorsiklo ng walang dahilan lalo na at wala naman itong sira.
Batay sa pagsisiyasat ay sa isang babae na residente ng Tuguegarao City nakarehistro ang motorsiklo.
Dinala naman sa tanggapan ng POSD ang motorsiklo at sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na sila sa pulisya upang malaman kung may nawawalang motorsiklo sa mga karatig-bayan.
Ang motorsiklo ay may plakang 405BKV at may kulay na asul, pula at itim.