Hindi na umano maalala pa ni dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) investigation agent Jonathan Morales ang pangalan ng confidential informant ng leaked documents na nagdadawit kay PBBM at sa aktres na si Maricel Soriano sa illegal drug use.
Ito ang inihayag ni Morales sa ikalawang public hearing ng Senate committee on public order and dangerous drugs kaugnay sa imbestigasyon sa leaked documents ngayong araw nang tanungin siya ni Senator Jinggoy Estrada hinggil sa pagkakakilanlan ng source.
Ikinayamot naman ng Senador ang naging tugon ni Morales na aniya ay nagawang banggitin ang pangalan ng mga personalidad kabilang na ang mismong presidente at sikat na artista nang walang ebidensiya subalit hindi naman nito matandaan ang sinasabi niyang informant.
Ipinaliwanag naman ni Morales na kailangan umano niyang makita muna ang dokumento bago niya lubos na maalala ang pagkakakilanlan ng informant subalit sinabi nito na naalala niya lang ang mga detalye ng sinabi sa kaniya ng source.
Tinanong naman ni Committee chairman Senator Bato dela Rosa si Morales kung hindi talaga nito natatandaan ang pangalan o umiiwas lang itong malabag ang pinagkasunduan sa pagitan nila ng informant.
Sagot naman ng dating PDEA agent na hindi niya talaga maalala na nag-udyok naman sa Senador na tanungin ang kasarian ng source.
Kumambiyo naman si Morales na ibunyag ang kasarian ng confidential informant dahil malalagay umano sa panganib ang kaniyang buhay.
Kaugnay nito, ipinanukala ni Dela Rosa na magsagawa ng executive session para maisiwalat ni Morlaes ang pagkakakilanlan ng source subalit sinabi ni Morales na papayag lamang itong ilahad ang kasarian ng informant.
Matatandaan na una ng lumutang ang PDEA leak documents na isang Authority to Operate and a Pre-Operation Report na may petsang March 11, 2012 matapos ibulgar ito ng PDEA agent na si Jonathan Morales sa kaniyang expose.
Bunsod nito, naglunsad ang mataas na kapulungan ng Kongreso ng sarili nitong imbestigasyon hinggil sa naturang kontrobersiya noong Abril 30.