Tukoy na umano ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagkakakilanlan ng indibidwal na nasa likod ng isyu na nagko-konekta sa komisyon sa maraming bank accounts.
Gayunpaman, tumanggi muna ang komisyon na pangalanan o tukuyin ito ito ay hahayaan na lamang umano niya ang National Bureau of Investigation (NBI) na maglalabas sa pagkakakilanlan ng personalidad kapag ilabas na nito ang binubuong report.
Nang matanong naman si COMELEC Chair Garcia kung ang Smartmatic ang nasa likod ng isyu, sumagot ang opisyal na ang NBI na lamang ang magbibigay-kasagutan sa lahat ng tanong.
Una nang nanindigan ang komisyon na pawang gawa-gawa lamang ang mga naturang bank accounts.
Hindi rin umano aalis o maghahain ng resignation ang mga commissioner, kasama si Chairman Garcia.
Sa halip ay hinamon ang mga nag-aakusa na ipresenta ang mga ebidensiya sa korte at hindi lang basta ikalat.
Una rito ay nangako si Garcia na maghahain siya ng kaso laban sa mga naglabas sa mga ‘gawa-gawang’ bank accounts na iniuugnay sa komisyon.
Sa mga naturang account umano tumutuloy ang pera na idineposito ng Miru Systems.
Pinakahuli dito ay ang mga bank accounts sa Bahamas na pinadalhan ng $15 million mula sa South Korea, batay na rin sa naunang pagbubunyag ni dating Caloocan Rep. Edgar Erice.