Natukoy na ng Metropolitan Manila Development Authority ang pagkakakilanlan ng lalaking nagpapanggap bilang isang traffic enforcer.
Ang lalaking nabanggit kasi ay nanghuhuli ng motorista kahit hindi naman umano lumabag sa batas trapiko at ginagawa lamang niya ito upang mangikil.
Matapos makarating sa ahensya ay kaagad itong nanawagan sa publiko kung kaya’t may mga netizen na nagpadala ng mensahe sa facebook page ng MMDA at dito na naberipika ang katauhan ng lalaki.
Inilahad naman ng naturang kagawaran na magbibigay si MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes ng Php10,000 na pabuya sa netizen na unang nakapagbigay ng pangalan at tirahan ng nagpapanggap na traffic enforcer.
Samantala, patuloy naman na nananawagan ang MMDA sa mga taong nabiktima ng lalaki na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan upang makapagsumite ng affidavit of complaint para mas mapalakas pa ang kasong isasampa laban sa kaniyang maling gawain.