Ikinatuwa ni Presidential Peace Adviser Secretary Carlito Galvez Jr. ang matagumpay na pagkakanutralisa ng Armed Forces of the Philippines 6th Infantry Division sa top BIFF leader at labing isang terorista.
Kung maaalala, sa pangunguna ni Major General Alex Rillera ng 6th Infantry Division, napatay ng tropa si Mohiden Alimodin Animbang na top leader ng BIFF at mga kasamahan nito sa naganap na sagupaan sa Maguindanao del Sur noong nakalipas na Lunes.
Ayon kay Sec. Galvez, ang tagumpay na ito ng AFP ay patunay lamang ng pagtataguyod nila ng propesyonalismo, tapang, at maging ang paninindigan.
Patuloy rin kasi aniya ang ginagawang operasyon ng AFP para matiyak ang proteksyon sa mamamayan nang sa gayon ay mapanatili ang tunay na kapayapaan.
Bukod dito ay nagpasalamat rin ang kalihim sa kooperasyon ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at kanilang commanders para maging matagumpay ang isinagawang operasyon sa lugar.
Samantala, hinimok nito ang nalalabing kasapi ng BIFF na sumuko na sa gobyerno.