-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN- Ipinaliwanag ng isang abogado na bagamat masyado pang maaga upang ipagdiwang ang pagkakapasa ng Divorce Bill sa committee level, ay isa itong malaking development sa Senate Bill 2443 na inaprubahan ng Committee on Women, Children, Family Relation and Gender Equality sa ilalim ng pamumuno ni Senator Risa Hontiveros.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Francis Abril, ibinahagi nito na matapos ang pagkakapasa nito sa Senate panel ay lulusot na ito para sa debate ng plenaryo kung saan ay magkakaroon ng mas malawak at mas malalim na diskusyon at plataporma ang mga mambabatas patungkol sa naturang usapin.

Gayunpaman, hindi naman aniya ito nangangahulugan na ito ay siguradong makakapasa bilang isang batas. Sa kabila nito ay binabati naman ni Abril ang komite na nagpasa ng naturang panukala sapagkat ito ay “long overdue” na at nararapat lamang aniya na reporma sa legal system ng bansa.

Aniya na ito na ang pinakamataas na lebel na inabot ng pagpapasa ng panukalang diborsyo sa bansa dahil madalas na ibinabasura ito sa committee level. Kaya naman sa pagkakataong ito na nakapasa ang Divorce Bill sa komite ay mabibigyan din ng pagkakataon ang mga may-akda na isusog ito sa plenaryo.

Saad pa niya na may dalawang salik naman na nakaapekto sa mabilis at mas epektibong paglusot ngayon ng panukala sa komite kumpara noong mga nakaraang pagbasa, gaya na nga lamang ng komposisyon ng lehislatura na kinabibilangan ng mga kababaihan at mga progresibong kaisipan na isinusulong ang karapatan ng mga naaargrabyado.