-- Advertisements --

Walang dapat na ikagalit ang mga maka kaliwang grupo at kanilang mga taga suporta sa pagkaka pwesto sa gabinete ng ilang mga dating heneral.

Ayon kay Northern Police District Director PCSupt. Roberto Fajardo na kung tutuusin mayroon din sa mga miyembro ng gabinete ngayon ang nanggaling sa maka kaliwang samahan o kaya ay mga tagasuporta nito na nauna pang naitalaga, subalit hindi naman aniya ikinagalit ng mga heneral.

Sa halip, winelcome ito ng mga heneral ng buong puso sa mithiing magkasundo sundo na ang lahat ng sa gayon magkaroon na ng kapayapaan sa bansa.

Ginawa ni Fajardo ang pahayag makaraang magluntangan ang mga pagpuna mula sa ilang sektor partikular ng mga militante at kaliwang grupo dahil sa obserbasyong pinaliligiran na umano ng mga military officials si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ilan sa mga miyembro ng Duterte cabinet na mula sa hanay ng militar ay sina National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. Defense Secretary Delfin Lorenzana, NIA Administrator Ricardo Visaya, DENR Sec. Roy Cimatu, incoming DILG Sec. Eduardo Año, LTO chief Galvante, Bucor Director General Benjamin Delos Santos, PCSO chairman Jose Jorge Corpuz, PCSO General Manager Alexander Balutan, Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente, at Bureau of Customs (BOC)chief Nicanor E. Faeldon.

Sa panig naman ng makakaliwa o militanteng grupo na nakaupo ngayon sa pwesto ay sina DSWD Secretary Judy Taguiwalo, DAR Sec. Rafael Mariano, at Labor Undersecretary Joel Maglunsod.