-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Hindi maiuugnay ng General Santos City Police Office (GSCPO) na isang election related ang pagkakarekober ng isang fragmentation grenade na nakalagay sa likurang bahagi ng nakaparadang pick-up truck sa Roxas Avenue nitong lungsod.

Ito’y matapos kinumpirma ng Explosive Ordnance Disposal Team ng GSCPO na isang MK2 Fragmentation Hand Grenade ang kanilang narekober.

Ayon naman kay Police Major Wesley Matillano, hepe ng Pendatun Police Station na patuloy ang ilang pakikipag-ugnayan sa may-ari ng pick-up na si Omar Abing, isang negosyante na residente ng Barangay Ligaya nitong lungsod para sa patuloy na isinasagawang imbestigayon.

Namili umano ito sa isang Ukay-ukayan ng mga sapatos at nang bumalik ay nakita ang nasabing granada sa likurang bahagi ng kanyang pick-up.

Nakatali pa ng tie wire ang granada habang nakabalot ng kulay brown na masking tape.

Kasunod nito, mas pinaigting pa ang pagbabantay sa buong lungsod ilang araw na lamang bago ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections.