Inirekomenda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagkakaroon ng evacuation center sa bawat munisipalidad para maiwasan ang pagkaantala ng mga klase tuwing may kalamidad.
Ito ang isa sa natalakay ni DSWD Secretary Erwin Tulfo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr na mahalaga lalo na sa mga typhoon at flood-prone areas.
Madalas kasi aniya na ginagamit ang mga eskwelahan bilang evacuation centers kung saan ang klase ay naaantala kapag ang mga residente na napinsala ang kabahayan ay pansamantalang nanunuluyan sa nasabing mga pasilidad.
Kaugnay nito, inatasan ng pangulo ang DSWD chief na magsagawa ng pag-aaral sa haba ng pananatili ng mga evacuees sa mga pasilidad lalo na ang mga bahagya at lubos na napinsala ang kanilang mga bahay.
Tugon naman ni DSWD chief na kadalasang inaabot ng tatlo hnaggang apat na araw sa evacuation centers ang mga evacuees na partially damage ang mga kabahayan bago sila makabalik sa kanilang mga bahay.
Base naman sa latest report ng NDRRMC, wala pang kabahayan ang naitalang nagtamo ng pinsala sa pananalasa ng bagyong Karding.