LAOAG CITY – Maituturing na malaking hamon ang kasalukuyang kondisyon ni Princess of Wales Kate Middleton sa kanyang mga tungkulin bilang prinsesa matapos niyang ihayag sa publiko na siya ay may cancer at sumasailalim sa preventative chemotherapy.
Sa panayam ng Bombo Radyo Laoag kay Bombo International News Correspondent Greg Pasalodos sa United Kingdom, malaki ang pagbabago sa tungkulin ni Kate bilang isang prinsesa dahil sa kanyang kasalukuyang sakit na limitado ang kanyang pakikipag-ugnayan sa mga tao lalo na sa kanyang mga tagasuporta.
Bago aniya nailathala ang tunay na kalagayan ng kalusugan ang prinsesa, madalas itong lumapit at kausapin ang mga residente para batiin sila.
Ipinaliwanag niya na mahigpit pa rin ang Royal Family na ilabas ang buong detalye tungkol sa sitwasyon ng prinsesa lalo na’t nahihirapan ang royal couple na ipaliwanag ang bagay na ito sa kanilang mga anak.
Gayunpaman, sinabi niyang base sa ipinost ni Princess Kate online, lumalakas siya habang lumilipas ang araw at tiniyak niya na magiging maayos na ang pakiramdam niya sa lalong madaling panahon.
Dagdag pa niya, marami ang nagulat nang mailathala ang balita dahil hindi rin nila namalayan na may karamdaman ang prinsesa.