Muling iginiit ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pangangailangang magkaroon ng regulasyon sa social media, kasunod ng naging pagdinig ng House Tri-Committee na dinaluhan ng mga vlogger at mga social media influencer.
Nalantad kasi na walang nangyayaring regulasyon sa mga impormasyong inilalabas sa social media at tuloy-tuloy lamang ang pagkaka-post, kahit pa ang mga pekeng impormasyon.
Ayon kay DICT Undersecretary Jeffrey Dy, dati nang itinutulak ng ahensiya na magkaroon ng social media platform regulation o magkaroon man lang ng ‘proactive’ na paraan ng pagkontrol sa mga lumalabas na impormasyon sa social media.
Binigyang-diin ng opisyal ang panganib na dulot ng fake news sa publiko na malimit ding nagdudulot ng kapahamakan at banta maging sa seguridad ng bansa.
Inihalimbawa nito ang nangyari noong 2024 kung saan pineke ang boses ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na mistulang nagbibigay ng kautusan sa mga tropa ng pamahalaan na gumanti sa anumang mga banta sa kanila.
Inabot aniya ng 24 oras bago tuluyang natanggal ang naturang video.
Dahil dito, binigyang-diin ng opisyal na ang pangangailangang magkaroon ng regulation sa mga social media content kung saan ang magiging function ay ‘proactive’ o bago pa man ang paglabas ng naturang content.
Ayon pa kay Usec. Dy, ang kawalan ng ‘uniformed code of regulations’ ay dahilan ng tuloy-tuloy na pagkalat ng mga pekeng impormasyon sa social media.
Bagamat magiging mahirap aniya ang pagbuo ng regulatory mechanism dahil sa sensitibong isyu, naniniwala ang opisyal na sa pagtutulungan ng mga government agencies ay maaaring makabuo ng regulations sa mga socmed platform upang matiyak ang pananagutan ng mga vlogger at mga influencer.