CEBU CITY – Hindi pa umano ‘feasible’ ang pagkakaroon ng sariling water district ng Pamahalaang lungsod ng Cebu.
Paliwanag ni Atty. Rory Jon Sepulveda, ang Capitol legal consultant, na ito’y sa kadahilanang karamihan ng pinagkukunan ng suplay ng tubig para sa mga residente dito ay nagmumula sa labas ng lungsod.
Matatandaan kasi na una nang inanunsyo ni Cebu City Mayor Mike Rama na plano ng pamahalaang lungsod na magtatag ng sariling water district kasabay ng paglikha ng isa pang port authority.
Binigyang-diin pa ni Sepulveda na ang nag-iisang pinakamalaking supplier ng tubig sa Metro Cebu Water District kung saan 50% sa mga ito ay nasa lungsod ay isang joint venture company kung saan ang lalawigan ay isang active at major player.
Kinuwestiyon pa nito na kung may kanya-kanyang water district ang mga lugar dito ay saan naman umano kukuha ng source ang lungsod.
Samantala, binigyang-diin pa nito na kung magdurusa ang mga residente ng Cebu City dahil sa kakulangan o kawalan ng suplay ng tubig ay masasaktan din umano ang Probinsya.
Kaya naman sinisikap umano ng Pamahalaang panlalawigan na tiyaking ma-maximize ang mga pinagkukunan ng tubig hindi lang para sa probinsya kundi para din sa lungsod.
Doble sikap rin umano ang kanilang ginagawa upang makahanap sa lalong madaling panahon ng mas maraming pinagkukunan ng maiinom na tubig para sa water district.