DAGUPAN CITY — Kinumpirma ng Region 1 Medical Center (R1MC) ang kauna-unahang kaso ng PUI o Patient under investigation sa lalawigan ng Pangasinan matapos na makitaan ng ilang sintomas ng novel corona virus ang isang pasyente.
Nagpakonsulta umano kahapon ang isang 28 anyos na filipina sa nasabing pagamutan kaya i-nadmit ito at nilagay sa isolation room.
Sa isinagawang mini presscon ngayong araw sa R1MC, ibinahagi ni Dr. Rowena Virrey, Infectious Diseases Specialist ng R1MC, bago ito pumunta ng Taiwan meron ng trangkaso kung kaya’t nagpakonsulta ito sa hospital na kalaunan ay nagnormal naman kaya tumuloy pa rin ito para magtour at bumalik sa bansa ng February 8 subalit sa kaniyang pagbabalik, nakaramdam na ito ng paglala ng kaniyang sakit kaya nagpakonsulta na itong muli sa naturang ospital.
Aniya, I-nadmit nila ang pasyente para maimbestigahan at qualify bilang person under investigation bagamat, inaantay pa ang resulta ng isinagawang pagsusuri dito at muli nitong nilinaw na hindi pa ito confirmed case ng novel corona virus.
Samantala, dumipensa naman ang opisyal kung bakit hindi pinangalanan ang pasyente para hindi magpanic ang publiko at bilang confidentiality na rin.
Tiniyak naman ni Dra. Virrey na handa ang R1MC kung saan nailipat na sa isolation ang pasyente at nakaactivate na ang kanilang protocol para sa emerging disease at may medical team na naka-assign na kinabibilangan ng mga doctor, nurses at iba pang paramedical services na sila lang makakasalamuha ng pasyente.
Kinuhanan na ng specimen kahapon ang pasyente. Base sa guidelines ng ospital, ginagawa mula day of admission o sa loob ng 24 hanggang 48 hours mula admission ang pagkolekta nito. Kung negative umano ang resulta papauwiin ang pasyente at hindi na ito matuturing pang PUI.