Nanindigan ang Armed Forces of the Philippines na hindi show of force ang pagkakasa ng military exercise sa pagitan ng mga tropa ng Pilipinas at Amerika sa susunod na linggo.
Tugon ito ng AFP sa naging pahayag ni China Foreign Ministry Spokesperson Lin Jian na tila nagpapakita ng puwersa ang Pilipinas at Amerika laban sa China.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief, Col. Xerxes Trinidad, nasa ika-39 yugto na ang mga pagsasanay sa pagitan ng Pilipinas at Amerika na layong patatagin ang kakayahan ng mga Sundalong Pilipino sa pagtatanggol sa soberenya at teritoryo ng bansa.
Giit pa ni Trinidad, prerogatiba ng Pilipinas ang pagsasagawa ng pagsasanay sa mga kaalyadong bansa bilang paghahanda sa mga hamong kahaharapin sa hinaharap.
Kasalukuyang nasa bansa ang isang mid-range capability missile system ng US sa hindi binanggit na lugar sa Luzon para sa SALAKNIB exercise sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Habang gagamitin naman ng Amerika sa BALIKATAN, sa kauna-unahang pagkakataon ang kanilang SM-6 missile system na kayang umabot ng 300 nautical miles o lampas 500 kilometro.