Pinaiimbestigahan na ng Department of Migrant Workers ang kaso ng pagkamatay ng dalawang Pinay sa kasagsagan ng malawakang pagbaha sa Dubai, UAE kamakailan.
Ginawa mismo ni Department of Migrant Workers (DMW) Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac ang kumpirmasyon kasabay ng pagbisita nito sa pamilya ng isang Pinay OFW na nasawi sa Dubai.
Kaanak nila ang nasawing si Jenny Gamboa mula sa Bacolor, Pampanga.
Layon ng kanilang pagbisita ay upang maipaabot ang tulong ng gobyerno sa naiwang pamilya ng nasawing Pinay.
Kabilang si Gamboa sa tatlong Pilipino na kumpirmadong namatay dahil sa malawakang pagbaha sa Dubai.
Sa isang pahayag, sinabi ni Migrant Workers OIC Hans Leo Cacdac, na nakatutok na ngayon ang kanilang mga abogado sa kaso upang matuloy ang iba pang anggulo ng insidente.
Una rito ay napaulat na suffocation ang sanhi ng pagkamatay ng mga ito na ikinaduda naman ng mga pamilya nito.
Samantala, pinoproseso na rin ng ahensya ang mga kaukulang dokumento para maibalik na sa bansa ngayong linggo ang mga labi ng tatlong OFWs na namatay.