Makatutulong ang ipinataw na preventive suspension ng Office of the Ombudsman kay Bamban Tarlac Mayor Alice Guo para matiyak na wala nang magiging impluwensya ang alkalde sa pagsisiyasat hinggil sa umano’y kaugnayan nito sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
Ito ang paliwanag ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada sa pulong balitaan sa Senado.
Bukod dito, itinuturing din ng senador na welcome development ang pagkakasuspinde kay Mayor Guo.
Bukas nakatakdang magkaroon ng executive session ang Senate Committee on Women tungkol sa pagkakaugnay ni Mayor Alice sa na-raid na POGO sa Tarlac.
Ayon kay estrada, dadalo siya sa naturang pagpupulong at maaaring dito aniya ay may lumabas na mga impormasyon laban kay Mayor Guo na may kaugnayan sa national interest ng Pilipinas.
Samantala, aminado ang senador na malaki sana ang maitutulong ng minumungkahi na pagsasagawa ng DNA test kay Mayor Alice at sa sinasabing ina nito.
Gayunpaman, tila malabo na aniya ito lalo’t base sa impormasyon ay nasa China na ang sinasabing ama at ina ng alkalde.