Nakikitang magandang pagkakataon ng ilang kongresista para kay Vice President Leni Robredo ang pagtalaga dito ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang Co-Chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-illegal Drugs (ICAD).
Sa panayam ng Bombo Radyo kay House Committee on Dangerous Drugs chairman Robert Ace Barbers, sinabi nito na umaasa siyang matutuldukan ang pagbatikos ng kampo ni Robredo laban sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Mas makikita na raw sa ngayon ng Bise Presidente ang tunay na sitwasyon hinggil sa problema sa iligal na droga at makapagpanukala ng mga hakbangin base sa makakakuha nitong first hand information.
Kasabay nito ay pinayuhan din ni Barbers si Robredo na isantabi na muna ang politika at tumulong na lamang kay Pangulong Duterte sa naturang usapin.
Para naman kay AKO Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin, magsisilbing tulay para sa reconciliation sa pagitan nina Duterte at Robredo ang pagkakatalaga sa huli sa ICAD.
“This will serve as a bridge for them to work together not only on the issues eradicating the menace of illegal drugs but at the same time on other problem that bassets our country so hindi lang sa problema sa droga,” dagdag pa nito.
Iginiit ni Garbin na ang trabaho ng isang bise presidente ay hindi lamang bilang alter-ego ng pangulo bagkus katuwang din nito sa pagbibigay ng serbisyo sa bansa.
Dagdag pa ni Garbin, bilang abogado ay makakatulong si Robredo sa pagdating sa pagbuo ng mga polisiyang ipapatupad sa war on drugs ng pamahalaan.
Samantala, naniniwala naman si Albay Rep. Edcel Lagman na sini-set up lamang si Robredo nang italaga ito ni Pangulong Duterte sa ICAD.
“No less than the Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Aaron Aquino, the chair of ICAD, ominously predicted that Robredo would fail,” ani Lagman.