Pinuri ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga hakbang ng Anti-Terrorism Council (ATC) na aniya’y nagdulot ng progreso sa layuning mailabas ang Pilipinas mula sa Financial Action Task Force (FATF) Grey List.
Sa ginanap na 33rd ATC Regular Meeting at Year-End Celebration sa Malakanyang, sinabi ni PBBM na ang milestone na ito ay magbibigay-benepisyo sa milyun-milyong Pilipino, kabilang ang mas maayos na remittance para sa mga overseas Filipino workers at mas mataas na kumpiyansa ng mga investors.
Kinilala rin ng Pangulo ang mga tagumpay ng ATC sa pagsira ng mga terrorist organizations, pag-freeze ng kanilang mga asset, at pagpapalakas ng seguridad ng bansa.
Aniya, hindi lang ito pagpapakita ng determinasyon ng bansa sa pagpapatibay ng rule of law at pagtiyak ng kaligtasan ng mga komunidad kundi pagpapamalas din ito ng matatag na commitment sa accountability, hustisya, at kapayapaan.
Samantala, binigyang-diin naman ng Punong Ehekutibo ang kahalagahan ng pagpapalakas sa kabataan at lokal na liderato bilang estratehiya laban sa terorismo.
Paliwanag pa ni Pangulong Marcos, ang pagbibigay ng oportunidad para sa dayalogo at pakikipagtulungan ay pagtatanim ng binhi ng pag-asa at pagkakaisa para sa mas ligtas na bansa.